Eat Bulaga nagbabala sa publiko na walang FB account si Bossing Vic Sotto

Ngayong panahon na marami ang "poser" o gumagawa ng account sa social media at nagpapanggap na celebrity, nagbabala ang "Eat Bulaga" sa publiko kaugnay ng account o fan page sa Facebook na ginamit ang pangalan ni Vic Sotto.

Sa isang Facebook post, sinabi ng Eat Bulaga na, "Huwag pong magpapaloko. Wala pong Facebook page or account si Bossing at lahat po ng promo ng Eat Bulaga ay dito lang po sa official page namin ipo-post. Maraming salamat po!"

Kalakip ng naturang babala tungkol sa pekeng account ni Bossing Vic ang post tungkol sa umano'y promo para segment na "Sugod-Bahay" na hindi naman totoo.

Sa naturang pekeng account na ginamit ang pangalan ni Vic, hinikayat nito ang mga tao na magkomento at ilagay sa kanilang pangalan at address.

Ang naturang post ay may 21,956 shares at nasa 19,477 ang komento na karamihan ay nagsasaad ng mga pangalan at address ng mga tao.
Kapansin-pansin naman na sakabila ng ginawang paglilinaw at babala ng "Eat Bulaga" sa kanilang post, marami pa rin ang nagkomento at naglagay ng kanilang mga pangalan at address.

Kamakailan lang, naghain ng reklamo ang aktres na si Nadia Montenegro laban sa nagpapatakbo ng Twitter account na gumamit ng kaniyang pangalan.

via gmanews.tv